visit Villa Teatro
villateatrogroup.multiply.com
"Hindi kasi ako tapos"
Isang reunion ng magkakabarkada noong high school ang magaganap makalipas ang sampung taong di pagkikita. Ang huli nilang pagsasama-sama ay noong graduation pa nila.
Lahat ay may kanya-kanyang talino na ipinamalas noong sila ay nag-aaral pa. Ngunit hindi lahat ay nagkaroon ng pakakataong makatanggap ng diploma. At yon ay dahil na rin sa kanilang kapabayaan sa pag-aaral.
Isa-isang magtatapat ang lahat sa kanilang mga naging karanasan noong high school. Isa-isang maaalis ang balot ng kanilang mga tinatagong lihim na dito lang pala sa reunion na ito na maisisiwalat. Tuloy mauuwi ang kanilang usapan sa kung ano na ang mga katayuan at kung nasaan na sila sa kasalukuyan.
Matutunghayan ang maraming pinagdaanan ng bawat isa. Nariyan ang pagsisikap ng isang mahirap na mag-aaral upang magtagumpay pagdating ng panahon. Nariyan din ang pagkakaroon ng isang tinatawag na identity crisis at ang kanyang pagsusumikap na ilihim ito. Nariyan din ang isang anak-mayaman na pinalaki ng magulang sa layaw at ang madalas nitong pambubugbog sa asawa. Nariyan din pagmamaliit ng ama sa kanyang anak na indi nakapagtapos dahil nag-asawa ng maaga kaya’t kung ano-anong trabaho na lang ang pinasok. Nariyan din kung paano nagtapat at nagbago ang isa sa kanyang pagiging drug pusher. At nariyan din ang paghahalay sa isa ng kanyang step-father na nagtulak sa kanyang sariling ina na palayasin siya at dahil sa kakulangan niya sa pag-aaral ay nasadlak siya sa isang trabahong nakagisnan niya – isang makamundong trabaho. Ito’y mga issues na madalas harapin ng kabataan. Ito’y riyalidad at nangyayari sa tunay na buhay – maraming mag-aaral na siguradong makaka-relate sa kwentong ito.
Magtatapos ang dula na may luha ang bawat isa sa pagkamatay ng dalawa nilang kasamahan. Ngunit ang pagkamatay na ito ay magsisilbing aral sa kanila at magpapa-alala hanggang sa kanilang pagtanda kung ganong kahalaga ang pag-aaral. Kung kaya’t ito naman ay kailangan ngayong itinuturo sa kani-kanilang mga anak.
"John Tamad"
Si John ay isang kabataang nag-uubos lamang ng oras sa mga bagay na walang maibibigay na maganda sa kanyang buhay. Isa siyang tamad na tao na lahat ay inaasa na lamang sa kanyang mga magulang at kaibigan. Ito’y isang kuwento na magtuturo sa mga mag-aaral na walang mabuting maidudulot ang katamaran at ang tagumpay ay makakamit lamang sa pagsisipag ng isang tao.
Bibigyang diin ng dulang ito ang kahalagahan ng kasipagan, na ang kakulangan nito ay maglulubog lamang sa isang tao sa lawa ng kabiguan. Katamaran ang mag-aakay kaninoman sa maling daan na kadalasan ay patungo sa maraming suliranin. Ang pagkain ng isang pamilya ay hindi basta na lamang dumarating sa hapag-kainan. Ito ay pinaghihirapan ng puno ng pamilya. Kasipagan nga ang dahilan ng tagumpay ng mga nagsumikap.
Maraming aral ang mapupulot ng mga mag-aaral sa kuwentong ito. Isa nga ang kasipagan.